3x3 binigyan na rin ng go-signal

MANILA, Philippines — Tuloy na rin ang pag­babalik-aksyon ng Chooks-to-Go Pilipinas 3x3 2020 season na nakatakdang umarangkada sa Oktubre 21 sa  Inspire Academy sa Calamba, Laguna.

Binigyan na ng go signal ng Inter-Agency Task Force ang 3x3 tournament na kailangang idaos mula Oktubre 16 hanggang 31 sa ilalim ng provisionary license na ipinagkaloob ng task force.

Nagpasalamat ang pamunuan ng liga sa tiwalang ibinigay ng IATF na binubuo ng Games and Amusements Board, Department of Health at Philippine Sports Commission.

Kailangan ding ipatupad ang mahigpit na patakaran tulad ng ginagawa ng PBA bubble sa Clark, Pampanga para masi­guro na ligtas ang lahat sa coronavirus disease (COVID-19).

Bibigyan ng pagkakataon ang 12 teams na magkaroon ng final practice sa UP Epsilon Chi Center sa Quezon City mula Oktubre 5 hanggang 7.

Matapos nito, sasa­ilalim sa swab testing ang lahat ng papasok sa bubble kasunod ang pagsasagawa ng pre-bubble home quarantine mula Oktubre 8 hanggang 13.

Sa oras na mag-nega­tibo sa swab testing, sisimulan na ang pagpasok sa bubble setup sa Inspire Academy mula Oktubre 14 hanggang 15.

Makakapag-ensayo ang mga koponan sa bubble sa Oktubre 16 hanggang 18 bago tuluyang simulan ang torneo sa Oktubre 21.

Show comments