Adamson humugot ng 2 Filipino - Italians

Mark Nonoy
Philstar.com/Erwin Cagadas

MANILA, Philippines — Hindi rin pahuhuli ang Adamson University sa recruitment matapos makahugot pa ng dalawang Filipino-Italian players para sa kampanya nito sa UAAP men’s basketball tournament.

Inaasahang magdaragdag ng malakas na puwersa sa kampo ng Soaring Falcons sina RS Delos Reyes at Adrian Punzalan na parehong may magandang rekord.

Malalim na ang karanasan ni Delos Reyes dahil nag­lalaro na ito sa Italian circuit sapul noong nasa 12-anyos pa lamang ito.

Kaya naman mabilis nitong nakuha ang atensiyon ni Adamson head coach Franz Pumaren na hindi na nagdalawang-isip pang kunin ang 5-foot-11 guard.

Maari na agad itong makapaglaro sa UAAP Season 83.

Sa kabilang banda, galing ang 6-foot-0 guard na si Punzalan sa Harper College na isang Division 3 school sa Amerika.

Nakapaglaro na ito ng dalawang taon para sa kanyang dating koponan.

Nagtala si Punzalan ng averages na 10.8 points at 3.0 rebounds kada laro sa kanyang huling taon sa koponan.

Kailangan muna ng 20-anyos na si Punzalan ng isang taong residency bago makapaglaro suot ang Soaring Falcons jersey sa UAAP Season 84.

Makakasama nina Delos Santos at Punzalan sa kampo ng San Marcelino-based squad ang iba pang recruits na sina Joaquin Jaymalin, Jhon Cailsay at RV Yanes.

Nauna nang napabalitang sa Adamson magtutungo sina UAAP Rookie of the Year Mark Nonoy at Deo Cuajao ng University of Santo Tomas matapos magsulputan ang larawan kasama si Pumaren.

Subalit napunta sa De La Salle University ang dalawang dating UST pla­yers.

Show comments