Marquez nagpaparamdam?

Juan Manuel Marquez
STAR/ File

MANILA, Philippines  — Nagpaparamdam si dating world champion Juan Manuel Marquez sa posibilidad na magbalik boksing ito matapos ilatag ang kanyang tikas sa social media.

Sa kanyang Instagram post, nasilayan si Marquez kasama ang isang trainer sa sparring session.

Ipinamalas ni Marquez ang kanyang tikas at bilis dahilan upang mabuo ang haka haka ng ilang boxing fans sa posibleng pagbabalik-aksyon nito.

“Never let your guard down. The moment will come when you will know when to do the counter-attack,” ani Marquez na tila pahiwatig sa posibleng boxing return.

Sa tuwing nababanggit si Marquez, hindi nawawala ang pangalan ni eight-division world champion Manny Pacquiao.

Magugunitang napa­bag­sak ni Marquez si Pacquiao noong 2012 via sixth round knockout sa MGM Grand Garden Arena sa Las Vegas, Nevada.

Kaya naman kung magbabalik-aksyon si Marquez, hindi malayong matuloy ang inaabangang rematch nito kay Pacquiao.

Una nang inihayag ni Pacquiao na handa itong muling sagupain si Marquez upang makabawi sa kanyang pagkatalo.

Subalit hindi na ito kinagat ni Marquez noong aktibo pa ito.

Naniniwala si Marquez na tapos na ang laban at wala na itong dapat pang patunayan para muling makalaban si Pacquiao.

Hindi na bago sa mga boksingero ang boxing return.

Ilang kilalang boxers na ang nagpahayag ng retirement subalit bumabalik din sa aksyon matapos ang ilang buwan o taon.

Show comments