Pacquiao delikado kay Crawford—Marquez

Juan Manuel Marquez
STAR/File

MANILA, Philippines — Kung si Mexican bo­xing legend Juan Manuel Marquez ang tatanungin, magiging delikado para kay Manny Pacquiao na makasagupa ang maliksi at mas batang si Terence Crawford.

Pinakamainit ang pa­ngalan ni Crawford sa mga posibleng makalaban ng eight-division world champion sa kanyang susunod na pagsalang.

Sa katunayan, inihayag ni Top Rank Promotions chief Bob Arum na ikinakasa nito ang Pacquiao-Crawford fight sa Nobyembre.

At kung matutuloy ito, nangangamba si Marquez sa magiging kapalaran ng reigning World Boxing Association (WBA) welterweight champion na si Pacquiao.

“Crawford is a difficult fight for Manny,” ani Marquez sa panayam ng Fight Hub TV.

Ngunit inamin ni Marquez na magiging magandang bakbakan dahil parehong maganda ang kundisyon ng dalawang mahusay na boksingero na tiyak na magugustuhan ng boxing fans.

Hawak ni Crawford ang World Boxing Organization (WBO) welterweight title.

Mas bata rin ang 32-anyos na American fighter kumpara sa 41-an­yos na si Pacquiao.

Galing sa matagumpay na title defense si Crawford noong Disyembre matapos itarak ang ninth-round technical knockout win kay Egidjus Kavaliauskas ng Lithuania.

Tinukoy ni Marquez ang kakaibang estilo ni Crawford na magiging armas nito kontra kay Pacquiao.

Matalino at mahusay sa diskarte si Crawford mga estilong ginamit ni Marquez nang itarak nito ang sixth-round knockout win kay Pacquiao noong 2012 sa MGM Grand Garden Arena sa Las Vegas, Nevada.

Show comments