MANILA, Philippines — Wala sa plano ng International Olympic Committee (IOC) na isagawa ang Olympic Games sa isang closed-door venue sa Tokyo, Japan sa susunod na taon.
Ito ang iginiit ni IOC president Thomas Bach sa kabila ng patuloy na pagkalat ng coronavirus disease (COVID-19) sa iba’t ibang panig ng mundo.
“Olympic Games behind closed doors is clearly something we do not want,” ani Bach.
Pinag-aaralan na ng IOC at Tokyo Olympics organizing committee ang iba’t ibang senaryo upang magkaroon ang mga fans na makapanood ng live sa mga venues.
Humahanap din ng solusyon ang mga organizers kung paano mapoprotektahan ang kaligtasan hindi lamang ng mga players, coaches at officials maging ng mga daragsang fans na manonood sa Olympics.
“So we are working for a solution of the Olympic Games which, on one hand, is safeguarding the health of all the participants and, on the other hand, is also reflecting the Olympic spirit,” dagdag ni Bach.
Walang plano sina Bach at Japanese Prime Minister Shinzo Abe na muling ipagpaliban ang Olympic Games dahil hindi biro ang gastusin sa pagsasaayos ng schedules at venues ng palaro.
Orihinal na nakatakda ang Tokyo Olympics ngayong taon subalit inilipat ito sa 2021 dahil sa COVID-19.
“The first priority is about the safety of all participants of the Olympic Games. For this reason, we are working now on multiple scenarios of the organization of the Games with regard to the health situation of which we do not know how it will be in one year from now,” ani Bach.
Tiniyak ni Tokyo governor Yuriko Koike na ginagawa ng Japan ang lahat para masiguro na ligtas ang pagtataguyod ng Olympics sa kabila ng pandemya.
Naka-red alert ngayon ang Japan matapos tumaas ang bilang ng mga tinatamaan ng coronavirus.