MANILA, Philippines — Wala nang atrasan ang pagbabalik-aksyon ng Top Rank Promotions sa Hunyo 9 sa MGM Grand Garden Arena sa Las Vegas, Nevada tampok ang limang laban.
Ito ang inihayag ni Top Rank chief Bob Arum ngunit muling nilinaw nito na idaraos ang mga laban sa isang closed-door venue na mapapanood lamang sa telebisyon at ilang online streaming.
Pinaplantsa na lamang ni Arum ang ilang patakarang ipinatutupad ng Nevada Athletic Commission para mabigyan ito ng go signal.
Ilan sa mga kailangang sundin ng Top Rank ang regular na testing sa mga boksingero maging sa lahat ng mga tauhang gagalaw sa naturang event.
‘’The key was getting enough testing, and we’ve got plenty of testing in Nevada to hold our events,” ani Arum.
Sa pagbabalik-aksyon ng Top Rank, makikinabang ng husto ang ilang Pinoy boxers gaya nina International Boxing Federation (IBF) junior bantamweight champion Jerwin Ancajas at World Boxing Organization (WBO) bantamweight champion Johnriel Casimero.
Parehong naudlot ang laban nina Ancajas at Casimero noong Abril.
Sasagupain sana ni Ancajas si Mexican challenger Jonathan Rodriguez noong Abril 11 sa Cosmopolitan sa Las Vegas, Nevada para sa kanyang title defense.
Sa kabilang banda, makakatipan sana ni Casimero si International Boxing Federation at World Boxing Association bantamweight titlist Naoya Inoue sa isang unification bout noong Abril 25 sa Mandalay Bay Resort and Casino sa Las Vegas, Nevada.
Nasa Las Vegas na si Casimero at ang buong team nito kung saan patuloy ang paghahanda ng Pinoy pug para sa kanyang nalalapit na pagsabak.
Sa kabilang banda, inaasahang tutulak na rin sa Amerika ang kampo ni Ancajas para doon na maghintay kung kailan matutuloy ang laban nito kay Rodriguez.