Magnolia players ‘di magpapabaya sa kanilang kondisyon -- Victolero

Ito ang paniniwala ni coach Chito Victolero sa patuloy na pagpapakon­disyon ng kanyang mga Magnolia players sa gitna ng pagpapalawig sa enhanced community qua­rantine sa Luzon bunga ng coronavirus disease (COVID-19) pandemic.
PBA.PH

MANILA, Philippines — Dahil mga professional athletes ang mga basketball players ay hindi na sila dapat bantayan o paalalahanan ng mga dapat nilang gawin.

Ito ang paniniwala ni coach Chito Victolero sa patuloy na pagpapakon­disyon ng kanyang mga Magnolia players sa gitna ng pagpapalawig sa enhanced community qua­rantine sa Luzon bunga ng coronavirus disease (COVID-19) pandemic.

“Hindi na sila dapat bantayan kasi trabaho naman nila iyan,” katuwiran ni Victolero sa mga Hotshots. “Umaasa naman ako sa kanila na ginagawa nila ‘yung dapat gawin. Hindi na kailangan talagang bantayan pa.”

Noong Marso 11 ay sinuspindi ng PBA ang mga laro sa 2020 Philippine Cup na binuksan noong Marso 8 kung saan tinalo ng five-peat champions na San Miguel ang Magnolia.

Ang pagkakaroon ng two-conference format ang tinitingnang opsyon ng PBA Board sa kanilang pagbabalik.

Ayon kay Victolero, kahit na sa kanilang mga tahanan ay pinag-aaralan ng coaching staff ng Hotshots ang mga nakaraan nilang laro.

“Even kaming mga coaching staff, kahit paano nag-aaral pa rin kami, nanonood ng videos,” ani Viictolero. “Ako in the afternoon, sometimes I would watch mga past games namin.”

Sa pamamagitan ng Magnolia viber chat o group text ay nalalaman ni Victolero ang ginagawa ng kanyang mga players.

“Lahat naman sila kinakausap ko and ng mga trainors namin. We’re just reminding them na huwag lang silang magpabaya (sa kundisyon),” sabi ng 2018 PBA Press Corps Coach of the Year.

Show comments