LAUSANNE, Switzerland - Hiniling kahapon ni International Olympic Committee president Thomas Bach ang pagtutulungan ng lahat ng mga miyembro para sa pagdaraos ng naipagpaliban na 2020 Tokyo Games.
“These postponed Olympic Games will need sacrifices, will need compromises by all of the stakeholders,” wika ni Bach sa isang press conference isang araw matapos magdesisyon ang IOC na ipagpaliban ang quadrennial event dahil sa coronavirus pandemic.
Inamin ni Back na ang pagpapaliban sa Tokyo Games ay tinalakay at ikinunsidera, ngunit sinabing wala silang balak na tuluyang kanselahin ang event.
“The rescheduling of the Games in 2021 remained a very challenging question,” wika ni Bach.
Binuo naman ang isang taskforce na tinawag na ‘Here We Go’ para pag-aralan ang isyu kasama ang 33 international federations.
Ayon naman sa World Athletics at International Swimming Federation, nakahanda silang ilipat sa 2021 ang kanilang mga world championships para sa re-scheduled Olympic Games.
Itinakda ang athletics world championships sa Agosto 6-15 sa Eugene, Oregon at ang swimming ay gagawin sa Hulyo 16 at Agosto 1 sa Fukuoka, Japan.