Aranas runner-up sa Las Vegas Open

MANILA, Philippines — Nagkasya sa runner-up trophy si Zoren James Aranas matapos yumuko kay Chang Jung-Lin ng Chinese-Taipei, 5-9, sa finals ng 2020 Diamond Las Vegas 10-Ball Open na ginanap sa Rio All-Suite Hotel and Casino sa Las Vegas, Nevada.

Naibulsa ni Chang ang $17,000 top purse habang hindi naman uuwing luhaan si Aranas na nagkamit ng $10,000 konsolasyon.

Matamis na resbak ito para kay Chang matapos umani ng 4-7 kabiguan kay Aranas sa semifinals ng winner’s bracket.

Nahulog sa losers’ co­lumn si Chang kung saan tinalo nito si Justin Bergman sa do-or-die semis game para maisaayos ang pakikipagtipan kay Aranas sa finals.

Mainit ang simula ni Aranas na nakuha ang 1-0 kalamangan sa umpisa ng laban.

Subalit umarangkada si Chang ng limang sunod na racks para makuha ang 5-1 bentahe.

Bumanat ng 5-1 run si Aranas para makadikit sa 5-6.

Ngunit iyon na lamang ang nakayanan ng Pinoy cue masters nang makuha ng Taiwanese player ang tatlong sumunod na racks para makuha ang kampeonato.

Sunod na masisilayan sa aksiyon si Aranas sa 2020 Predator World 10-Ball Championship na idaraos sa parehong venue.

Dahil sa kanyang runner-up finish sa Las Vegas 10-Ball Open, awtomatikong nakasiguro si Aranas ng puwesto sa World 10-Ball tilt.

Kasama ni Aranas sa world meet sina dating world champion Carlo Biado, Johann Chua, James Aranas, Jeffrey Ignacio, Jeffrey De Luna, Dennis Orcollo at Francisco “Django” Bustamante.

Show comments