MANILA, Philippines — Inaasahang aabangan na ang Nueva Ecija Rice Vanguards dahil mas magiging mabagsik ito sa susunod na edisyon ng Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL).
Ito ay matapos isiwalat ng Rice Vanguards na kinuha nito ang serbisyo nina dating University of the Philippines standouts Juan Gomez de Liaño at Javi Gomez de Liaño para mas lalong palakasin ang kanilang tropa.
Sinabi ni Rice Vanguards head coach Charles Tiu na desidido ang pamunuan ng Nueva Ecija squad na bumuo ng solidong koponan para maging title contender sa MPBL.
Alam ni Tiu ang husay ng Gomez de Liaño brothers kaya’t naniniwala itong malaking tulong ang magagawa ng dalawang dating Fighting Maroons para sa Rice Vanguards.
Kabisado na rin ni Tiu ang galaw ng Gomez de Liaño brothers dahil naglaro na ito para sa Mighty Sports na nagkampeon sa 2020 Dubai International Basketball Championship sa United Arab Emirates.
Si Tiu ang head coach ng Mighty Sports.
Mas lalo pang nagpalakas ang Rice Vanguards dahil kinuha rin nito si dating Philippine Basketball Association player Renz Palma na dating miyembro ng Alaska Aces.
Makakatuwang nina Javi at Juan si dating Ateneo de Manila University guard Jai Reyes para mas maging mabangis ang point guard tandem ng Rice Vanguards sa liga.
Nauna nang inihayag ni Palayan City Mayor Rianne Cuevas na handa itong magpagawa ng isang sports arena upang maging home court ng Rice Vanguards.
“Its about time that Nueva Ecija has its own arena to host tournaments like the MPBL and at the same time showcase the beauty of our province to cities and provinces who will play in our sports Arena. At the same time, our thousand of basketball fans will not have to travel five hours to watch games of our home team the Rice Vanguards,” ani Cuevas.