SMBeer vs Hotshots sa opening
MANILA, Philippines — Ang Finals rematch ng San Miguel at Magnolia ang magbubukas sa 2020 PBA Philippine Cup sa Marso 8 sa Smart Araneta Coliseum.
Kaagad masusubukan ang tatag ng mga Beermen sa paglalaro nang wala si five-time PBA MVP awardee June Mar Fajardo na hindi makakalaro sa torneo bunga ng kanyang leg injury.
Ito ang tiyak na sasamantalahin ng Hotshots, muling ipaparada sina Paul Lee, Ian Sangalang at Mark Barroca.
Bago ang nasabing sultada ay gagawaran muna ang mga pinakamahuhusay na players ng nagdaang season sa Leo Awards kung saan nangunguna si Fajardo para sa MVP race.
Si star guard CJ Perez naman ng Columbian ang hinuhulaang gagawaran ng PBA Rookie of the Year trophy.
Naurong ang PBA opening noong Marso 1 bunga ng banta ng coronavirus disease-2019 (COVID-19).
Sa Marso 11 ay magtutuos naman ang TNT Katropa at Phoenix kasunod ang salpukan ng NLEX at Northport sa Big Dome.
Maghaharap naman ang Alaska at Columbian at magsasabong ang Rain or Shine at San Miguel sa Marso 13 sa parehong venue.
Samantala, nananatili pa rin ang indefinite suspension kay small forward Calvin Abueva ng Fuel Masters.
“May pinag-uusapan pa kami. May pinapagawa pa ako sa kanya,” sabi ni PBA Commissioner Willie Marcial kay Abueva na sinuspinde matapos tirahin si Tropang Texters import Terrence Jones sa isang elimination game sa 2019 PBA Commissioner’s Cup.
“Kapag naayos agad ‘yun at okay na, ie-elevate ko sa board kung ano ang recommendation ko,” dagdag pa ni Marcial kay ‘The Beast’.
- Latest