MANILA, Philippines — Inilabas ng nagdedepensang Arellano University ang bagsik nito para iselyo ang 25-15, 25-14, 25-20 demolisyon kontra Emilio Aguinaldo College upang lumakas pa ang pag-asa nito sa twice-to-beat sa NCAA Season 95 women’s volleyball tournament kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Nagpahinga si two-time Finals MVP at leading MVP candidate Regine Arocha ngunit hindi ito naging hadlang para makuha ng Lady Chiefs ang ikapitong panalo sa walong pagsalang at tumatag ang kapit sa ikalawang puwesto.
Sumandal ang Arellano kay Carla Donato na bumanat ng 12 puntos mula sa 11 attacks at isang block habang katulong nito si reigning MVP Necole Ebuen na nagtala ng 11 hits.
Nag-ambag sina Nicole Sasuman ng pitong puntos at Princess Bello ng anim na puntos at 12 digs.
Sa ikalawang laro, tuluyan nang naglaho ang pag-asa ng University of Perpetual Help System Dalta sa twice-to-beat card matapos yumuko sa Colegio de San Juan de Letran, 22-25, 21-25, 25-18, 25-16, 15-17.
Samantala, kanselado na rin ang lahat ng laro sa seniors division ng NCAA Season 95 dahil sa coronavirus outbreak.
Pormal nang naglabas ng anunsyo ang NCAA Management Committee bilang tugon sa panawagan ng Department of Health, Department of Education at Commission on Higher Education na kanselahin muna ang mga aktibidad sa mga paaralan kabilang na ang mga sporting events.
“NCAA is temporarily suspending the games for seniors division starting 14 February 2020 as a precautionary measure on the COVID 2019,” ani NCAA ManCom chairman Peter Cayco ng season host Arellano University sa isang statement.