Rondina, Bagunas pararangalan ng PSA

Hinirang sina Rondina at Bagunas bilang MVP para sa University of Santo Tomas at National University, ayon sa pagkakasunod, at iginiya ang kanilang mga koponan sa UAAP volleyball finals.
Philstar.com/Luisa Morales

MANILA, Philippines — Sa taong 2019 ay isinimento nina Cherry ‘Sisi’ Rondina at Bryan Bagunas ang kanilang mga pangalan bilang mga bagong bituin ng Philippine volleyball.

Hinirang sina Rondina at Bagunas bilang MVP para sa University of Santo Tomas at National University, ayon sa pagkakasunod, at iginiya ang kanilang mga koponan sa UAAP volleyball finals.

Isinuot din ng dalawa ang national team colors sa nakaraang 30th Southeast Asian Games kung saan sila kapwa humataw ng medalya.

Dahil dito ay kinilala sina Rondina at Bagunas bilang Ms. at Mr. Volleyball na igagawad sa kanila sa SMC-Philippine Sportswriters Association (PSA) Annual Awards Night sa Marso 6 sa Centennial Hall ng Manila Hotel.

Ang tubong Compostela, Cebu na si Rondina ay nakahanay sina Alyssa Valdez three times winner, Mika Reyes at Dawn Macandili na binigyan din ng nasabing tropeo ng PSA.

Ang 22-anyos namang si Bagunas ang sumunod kay two-time winner Marck Espejo ng Ateneo.

Ang nasabing special award kina Rondina at Bagunas ay ilan lamang sa mga parangal na ibibigay ng pinakamatandang media organization sa gala night na inihahandog ng PSC, MILO, Cignal TV, Philippine Basketball Association, AirAsia at Rain or Shine.

Sa pagkopo sa overall championship ng 2019 SEA Games ay iginawad sa Team Philippines ang Athlete of the Year award.

Dalawang MVP award ang nakamit ng 23-anyos na si Rondina sa UAAP Season 81 kasama ang sa beach volleyball tournament kung saan siya naki­pagtambal kay Baby Love Barbon para sa ikaanim na korona ng UST.

Si Rondina ang ikalawang player na nagkamit ng indoor at beach volleyball MVP awards sa isang season matapos si Wendy Semana ng FEU sa Season 70.

Show comments