MANILA, Philippines — Sinakmal ng San Beda University ang impresibong 25-19, 25-17, 25-19 panalo sa Mapua University upang kumpletuhin ang Final Four cast sa NCAA Season 95 women’s volleyball tournament kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Sumulong ang Lady Red Spikers sa 6-2 rekord para samahan sa semis ang nangungunang College of Saint Benilde (7-0), nagdedepensang Arellano University (6-1) at Season 94 runner-up University of Perpetual Help System Dalta (6-2).
Bumida sa pagkakataong ito si Nieza Viray na humataw ng 17 hits mula sa 12 attacks, tatlong aces at dalawang blocks habang solido rin ang floor defense nito matapos magtala ng 12 digs.
Nagtala naman si open hitter Cesca Racraquin ng 12 puntos – lahat galing sa attacks – at gumawa ng 11 hits si Kimberly Manzano kabilang ang apat sa kabuuang pitong blocks ng Lady Red Spikers.
Hindi nakaporma sa San Beda ang Mapua nang ilatag nito ang matatalim na atake para makabuo ng 44 attacks laban sa 20 lamang ng Lady Cardinals.
Liyamado rin ang Lady Red Spikers sa blocking department (7-2) at service area (4-3).
Nakakuha pa ng 30 libreng puntos ang San Beda mula sa errors ng Mapua.
“Talagang nagtrabaho ang mga bata which is good for us kasi mataas ang morale ng mga players, nandoon na ‘yung maturity sa paglalaro,” wika ni Lady Red Spikers mentor Nemesio Gavino.
Walang manlalaro ng Lady Cardinals ang nagtala ng double digits kung saan tanging tig-pito lamang ang nailista nina Mae Fernandez at Lorraine Barias.
Bagsak sa 1-7 ang baraha ng Mapua.
Sa unang laro, pinatumba ng San Sebastian College-Recoletos ang Lyceum of the Philippines University, 25-20, 25-18, 20-25, 25-16, para bahagyang gumanda ang kanilang record sa 2-6.
Nangibabaw sina Shane Requierme at Reyann Cañete na may tig-14 puntos, samantalang naglista naman sina Jamille Carreon at Kamille Tan ng tig-12 marka para pamunuan ang balanseng ratsada ng Lady Stags.
Nagtamo ang Lady Pirates ng 3-5 marka at nasayang ang 15 points ni Monica Sevilla.