MANILA, Philippines — Napigilan ng nagdedepensang Arellano University ang Colegio de San Juan de Letran, 25-14, 26-28, 25-19, 25-16, upang makalapit sa Final Four slot kahapon sa NCAA Season 95 women’s volleyball tournament sa The Arena sa San Juan City.
Hataw na naman si Season MVP candidate Regine Anne Arocha matapos rumatsada ng 15 attacks, tatlong aces at isang block upang manduhan ang Lady Chiefs sa pagsulong sa solong ikalawang puwesto sa 6-1 marka.
Nagbigay naman ng solidong suporta si reigning MVP Necole Ebuen na nagtala ng 13 markers gayundin si Carla Donato na nagpako ng 12 puntos kabilang ang apat sa pitong blocks ng Arellano.
Magandang resbak ito para sa Arellano na nadungisan ang rekord matapos lumasap ng unang kabiguan sa kamay ng University of Perpetual Help System Dalta noong nakaraang linggo.
Sa kabila ng panalo, hindi masaya si Lady Chiefs mentor Arellano head coach Obet Javier sa inilaro ng kanyang bataan dahil sa 29 errors na nagawa nito.
Bumandera naman sa Lady Knights si sophomore Chamberlaine Cuñada na pumalo ng 16 puntos.
Gayunpaman, hindi ito sapat at gumulong ang Letran sa 3-3 marka at mahulog sa No. 5 spot.
Sa men’s division, wagi rin ang Arellano sa Letran, 25-22, 25-12, 25-17, para makadikit din sa inaasam na semis slot.
Nangibabaw si Jesrael Liberato na may 18 points buhat sa 14 attacks, tatlong blocks at isang ace habang nagdagdag naman si Christian Segovia ng 12 hit para sa Chiefs na umangat sa 5-2.