Lady Blazers lumakas ang tsansa sa Final Four
MANILA, Philippines — Mabilis na napigilan ng College of Saint Benilde ang ratsada ng San Beda University, 17-25, 25-18, 25-22, 25-22, upang dumikit sa minimithing Final Four berth sa NCAA Season 95 women’s volleyball tournament kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Bumida si rookie Gayle Pascual na bumanat ng 20 points mula sa 16 attacks at 4 blocks.
Nakasama niya sa pag-arangkada si Diane Ventura na pumalo ng 14 hits para sa Lady Blazers na napatatag ang puwesto sa tuktok ng standings bitbit ang malinis na 6-0 marka.
“May mga times na nagre-relax kami, kampante sa game. Pero nahahabol naman namin paisa-isa ‘yung score. Sinabihan lang kami ni coach (Jerry Yee) na push lang, walang titigil,” ani playmaker Jewel Lai.
Kumana naman si Chelsea Umali ng 4 blocks, 4 aces at 3 attacks, samantalang may siyam na puntos si Mycah Go at pito naman si Jade Gentapa.
Pukpukan ang laban kung saan nakaungos lang ng bahagya ang Lady Blazers sa attacks (46-43) at aces (7-5).
Bagama’t nakapagtala ito ng 13-8 bentahe sa blocking department, naging pasakit sa St. Benilde ang 31 errors na nagawa nito sa buong panahon ng laro.
“Isa talaga ‘yung San Beda sa mga katapat namin kaya pinag-aralan namin talaga ang galaw nila,” dagdag pa ni Lai.
Lumasap ang San Beda ng ikalawang sunod na kabiguan para mahulog sa 3-2 marka.
Parehong nagtala sina wing spikers Cesca Racraquin at Nieza Viray ng 13 hits, habang gumawa naman si Jiezela Viray ng 10 markers at 13 digs para sa Lady Red Spikers.
Sa ikalawang laro, napasuko ng Jose Rizal University Lady Bombers ang Emilio Aguinaldo College Lady Generals, 25-22, 25-17, 25-19, para manatiling buhay ang kanilang tsansa sa Final Four tangan ang 2-4 baraha.
Nagrehistro sina Dolly Grace Verzosa, Sydney Niegos at Mary May Ruiz ng pinagsamang 36 points sa panig ng Lady Bombers.
May 0-6 baraha ang Lady Generals at posibleng masibak sa torneo.
Samantala, lalabanan ng Letran Lady Knights ang Lyceum Lady Pirates ngayong alas-12 ng tanghali.
- Latest