MANILA, Philippines — Pakay ng nagdedepensang Arellano University at nangungunang College of Saint Benilde na mapanatiling malinis ang kanilang rekord sa pagsagupa sa magkaibang karibal ngayong hapon sa pagpapatuloy ng NCAA Season 95 women’s volleyball tournament sa The Arena sa San Juan City.
Makakatipan ng Lady Chiefs ang Jose Rizal University sa alas-12 ng tanghali habang aariba naman ang Lady Blazers sa alas-2 kontra naman sa Emilio Aguinaldo College.
Nasa No. 1 spot ang Benilde matapos bumanat ng tatlong sunod na panalo habang kasosyo naman ng Arellano sa ikalawang puwesto ang San Beda University hawak ang magkatulad na 2-0 marka.
Galing ang Lady Blazers sa impresibong 25-20, 25-18, 25-15 demolisyon sa Colegio de San Juan de Letran noong Lunes para makopo ang win No. 3.
Balanseng ratsada ang ginamit ni Benilde head coach Jerry Yee para bigyan ng tsansa ang lahat ng manlalaro nito ng sapat na exposure.
Nanguna sa ratsada sina Chelsea Umali, Klarisa Abriam, Jade Gentapa at Michelle Gamit.
Sa kabilang banda, umaasa ang EAC na makakabangon ito matapos yumuko sa kanilang unang dalawang pagsalang – laban sa Letran at Mapua University.
Ngunit daraan sa matinding pagsubok ang Lady Generals kaya’t inaasahang ilalabas nito ang lahat ng kanilang armas para makahirit ng upset win.
Huling sumalang ang Lady Chiefs nang gapiin nito ang Mapua, 25-13, 25-20, 25-12, sa likod ng matikas na laro ni two-time Finals Most Valuable Player Regine Arocha.