Lady Chiefs, Lady Blazers asam ang ika-2 dikit

MANILA, Philippines —  Puntirya ng nagdedepensang Arellano University at College of Saint Benilde na masikwat ang ikalawang sunod na panalo sa pagsabak sa magkaibang karibal ngayong araw sa pagpapatuloy ng NCAA Season 95 women’s volleyball tournament sa The Arena sa San Juan City.

Makakatipan ng Lady Chiefs ang Emilio Aguinaldo College sa alas-12 ng tanghali na susundan naman ng pakikipagtuos ng Lady Blazers sa Mapua University sa alas-2.

Parehong mainit ang simula ng Arellano at Benilde matapos magtala ng panalo sa kanilang debut noong Biyernes para pagsosyohan ang maagang liderato.

Pinataob ng Lady Chiefs ang Lyceum of the Philippines University sa bisa ng 27-25, 25-20, 25-20.

Sa naturang panalo, nagparamdam ng lakas si Season 93 at Season 94 Finals MVP Regine Arocha nang magpasabog ito ng 18 markers.

Nakakuha ito ng sapat na suporta mula kay Carla Donato na pumalo ng 12 hits at kina Mikaela Juanich at Alyana San Gregorio para makuha ang panalo.

Sa kabilang banda, wagi ang Benilde sa University of Perpetual Help System Dalta sa iskor na 25-17, 14-25, 25-17, 25-20.

Show comments