Brownlee, Ginebra babawiin ang Governor’s Cup crown
MANILA, Philippines — Hanggang ngayon ay nanghihinayang pa rin si Justin Brownlee sa nadiskaril na ‘three-peat’ ng Barangay Ginebra sa PBA Governor’s Cup.
Matapos pagharian ang season-ending conference noong 2016 at 2017 laban sa Meralco Bolts ay nasibak naman ang Gin Kings ng Magnolia Hotshots sa kanilang semifinals series sa sumunod na taon.
Nagtuluy-tuloy ang Hotshots sa likod ni import Romeo Travis sa pagkopo sa korona noong 2018.
“Wish we had that three-peat last year but unfortunately we came up short,” wika ng 31-anyos na si Brownlee.
Muling nakapasok ang Ginebra sa Finals ng 2019 PBA Governor’s Cup makaraang sibakin ang NorthPort, 3-1, sa kanilang best-of-five semifinal wars.
“It’s feels good to be in the finals, but we know that at this point we’re not satisfied. And we want to feel that greatest feeling,” wika ni Brownlee.
Sa ikatlong pagkakataon sa huling apat na PBA Governor’s Cup ay muling magsasagupa ang Gin Kings at Bolts sa best-of-seven championship series
Magtutuos din muli sina Brownlee at two-time PBA Best Import Allen Durham.
“We’ve met them in the finals twice already so we know that if we play them, they’re going to be great as well,” sabi ng one-time PBA Best Import awardee.
Nakatakda ang Game One sa Enero 7 sa Smart Araneta Coliseum.
Para maitakda ang kanilang ‘trilogy’ ng Ginebra ay kinailangang takasan ng Meralco ang TNT Katropa, 3-2, sa kanilang semifinals duel.
- Latest