Pinoy bets wagi sa Asian Equestrian

MANILA, Philippines — Sumipa ng pilak na medalya ang national equestrian team sa prestihiyosong 2019 FEI Asian Equestrian Champoinships na ginanap sa Thai Polo and Equestrian Club sa Pattaya, Thailand.

Nagsanib-puwersa sina Toni Leviste, Joker Arroyo at Colin Syquia para makalikom ng kabuuang 45.15 puntos sapat upang angkinin ang ikalawang puwesto.

Sakay ng kaniyang kabayong si Loribri, nagtala si Le­viste ng 13.70 habang mayroon namang 10.23 si Syquia at kabayong si Chanel One, at 21.22 naman si Arroyo at kabayong si Ubama Alia.

Napasakamay nina Patrick Lam (11.48), Raena Leung (4.39) at Kenneth Cheng (2.68) ng Hong Kong ang gintong medalya bunsod ng nairehistro nitong 18.55.

Nasungkit naman nina Dalia Al-Zahem, Yara Al Hunaidi at Abdullah Al Roudan ng Kuwait ang tansong medalya bitbit ang 45.36 puntos.

Sa individual event, nagkasya sa ikapito si Syquia habang ikawalo naman si Leviste, at ika-24 si Arroyo.

Nanguna sa naturang event si Taizo ugatani ng Japan kasunod sina Hong Kong bets Cheung at Leung na sumiguro ng pilak at tanso, ayon sa pagkakasunod.

Show comments