Pinoy lifters nakuntento sa silver, bronze
MANILA, Philippines — Nakasungkit ng isang pilak at isang tansong medalya ang national weighlifting team kahapon sa unang araw ng weighlifting competition ng 30th Southeast Asian Games sa Ninoy Aquino Stadium sa loob ng RMSC complex.
Tumapos lamang sa ikalawang puwesto ang Filipino lifter na si John Fabliar Ceniza sa men’s 55-kgs. division sa kanyang kabuuang nabuhat na 252-kg mula sa 112-kg sa snatch at 140-kg sa clean and jerk.
Nakuha ni Lai Gia Thanh ng Vietnam ang gintong medalya sa kabuuang 264-kgs. kabilang ang 122-kg sa snatch at 142 sa clean and jerk habang bronze medalist naman ang Indonesian na si Surahmat Wijoyo sa 250-kgs (110-kg sa snatch at 140 sa clean and jerk).
Sa 45-kgs. women’s division, bigo rin si Mary Flor Diaz makaraang tumapos lamang sa bronze medal (159-kg) sa likuran ng gold medalist na si Vuong Thi Huyen ng Vietnam (172-kgs) at silver medalist naman si Lisa Setiawati ng Indonesia sa kabuuang 169 (73 sa snatch at 96 sa clean and jerk).
“Bago sa weighing, sumobra ako ng .5 pounds kaya nag-spa muna ako para magpa-reduce. Pero ang resulta humina naman ang lakas ko,” sabi ng 20-anyos na si Diaz na pinsan ni Hidilyn.
Samantala, tiwala ang 28-anyos na si Hidilyn Diaz na makuha na ang kanyang kauna-unahang gintong medalya sa SEA Games sa kanyang pagsabak ngayon sa women’s 55-kg. competition sa alas-4 ng hapon.
Kasamang bubuhat ng 2016 Rio Olympic silver medalist na naghahangad ng gintong medalya sina Elien Rose Reyes sa women’s 49-kgs class sa alas-10 ng umaga at si Dave lloyd Pacaldo sa 61-kgs. men’s contest sa ala-1 ng hapon.
- Latest