MANILA, Philippines — Pinatibay ng Letran Knights ang kanilang depensa tungo sa 81-79 panalo kontra sa San Beda Red Lions kahapon para tapusin ang best-of-three Finals series, 2-1 at angkinin ang titulo sa Season 95 NCAA men’s basketball tournament sa Mall of Asia Arena (MOA) sa Pasay City.
Kumonekta si Jerrick Balanza ng triples upang iangat ang Letran sa 79-73 bentahe mahigit 1:29 pa ang nalalabi, pero pumukol naman ng three-point shot si Evan Nelle para ibaba sa tatlo ang agwat, 76-79.
Pero hindi nagpatinag ang Letran sa depensa ng San Beda sa huling minuto para itakas ang kanilang ika-18 korona sa harap mismo ng 19,876 crowd.
Ito ang unang korona ng Letran simula noong 2015 sa panahon ni dating head coach Aldin Ayo.
“Sobrang sarap ng feeling kasi sa mga pinagdaanan ko sobrang malupit talaga. Pero hindi ako pinabayaan ng Letran Community. Kaya ito na ngayon ang titulo, at least naka-dalawa na ako sa Letran,” sabi ni Balanza tinukoy ang dinanas na brain tumor operation noong nakaraang taon.
Umiskor ang graduating na si Balanza ng 27 puntos kabilang na ang 5-of-8 sa three-point area bukod sa limang rebounds. Si Balanza ay kasama rin sa koponan sa huli nilang kampeonato noong 2015.
Nahirang si Letran coach Bonnie Tan bilang “Coach of the Year” sa una pa lamang niyang taon sa Knights at si Fran Yu naman ang napiling Finals MVP. Siya rin ang Most Improved Player sa NCAA season 95.
Samantala, sa juniors’ division nasungkit ng Red Cubs ang kanilang ika-23rd titulo nang tambakan ang Lyceum Junior Pirates, 98-77 sa rubber match.