LOS ANGELES – Humakot si forward Pascal Siakam ng 24 points at 11 rebounds habang nagdagdag si guard Fred VanVleet ng 23 points at 10 assists para igiya ang Toronto Raptors sa 113-104 paggupo sa Lakers.
Tinapos ng Toronto ang seven-game winning streak ng Los Angeles.
Dinuplika ni Chris Boucher ang kanyang career-high na 15 points para sa ikatlong sunod na ratsada ng Raptors.
Naglaro ang defending NBA champions na wala sina starter Kyle Lowry (broken left thumb) at top reserve Serge Ibaka (sprained right ankle).
Sa kabila nito ay nagawa pa rin nilang talunin ang Lakers sa pang-10 sunod nilang pagtutuos.
Nagtala si Anthony Davis ng 27 points at kumolekta si LeBron James ng 13 points, 15 assists at 13 rebounds para sa kanyang ika-85 career triple-double.
Sa Portland, humataw si Damian Lillard ng 30 points at tinapos ng Trail Blazers ang kanilang four-game losing skid sa pamamagitan ng 124-113 overtime victory kontra sa Atlanta Hawks.
Sa Phoenix, naglista si Ricky Rubio ng season-high 22 points at 12 sa kabuuang 37 assists ng Suns sa kanilang 138-112 pagdurog sa Brooklyn Nets.