Castro BPC, Jones best import
MANILA, Philippines — Tiniyak ng Beermen na hindi makakalapit ang Tropang Texters sa hangad na korona.
Itinabla ngBeermenang kanilang championship series ng TNT Katropa matapos agawin ang 106-101 panalo sa Game Four ng 2019 PBA Commissioner’s Cup kagabi sa Smart Araneta Coliseum.
Nakabangon ang Beermen mula sa 105-115 kabiguan sa Game Three noong Biyernes para itabla sa 2-2 ang kanilang best-of-seven titular showdown ng Tropang Texters.
Kinuha ng San Miguel ang 29-19 abante mula sa dalawang free throws ni Christian Standhardinger sa huling 1:48 minuto ng first period bago nakauna ang TNT Katropa sa halftime, 52-51 sa likod ni import Terrence Jones at Jayson Castro.
Isang 12-0 atake ang ginawa ng Beermen buhat sa 64-65 agwat para kunin ang 76-65 bentahe sa 3:04 minuto ng third quarter patungo sa pagtatayo ng 84-69 kalamangan sa pagsisimula ng final canto.
Naputol ito ng Tropang Texters sa 96-98 agwat galing sa arangkada ni Jones sa natitirang 40.3 segundo ng labanan.
Isang inside basket ni June Mar Fajardo ang naglayong muli sa San Miguel sa 100-96 sa nalalabing 27.7 segundo kasunod ang dalawang free throws ni Alex Cabagnot matapos ang tapik ni Chris Ross kay Castro sa huling 16.3 segundo para iwanan ang TNT Katropa sa 102-96.
Samantala bago ang laro ay inihayag ang mga nanalo bilang Best Player of the Conference at Best Import.
Iginawad kay Castro ang Best Player of the Conference trophy at napasakamay ni Jones ang Best Import award.
Ito ang pang-limang BPC trophy ng 33-anyos na si Castro para sosyohan si two-time PBA MVP Danny Ildefonso sa ikalawang puwesto sa ilalim ng walo ni Fajardo.
Nagposte naman si Jones, isang six-year NBA veteran, ng mga averages na 31 points, 15.5 rebounds at 7.6 assists sa elimination round at kumamada ng 35.3 points per game sa PBA Finals.
Inungusan ni Jones para sa Best Import plum sina McCullough, Justin Brownlee ng Ginebra at Carl Montgomery ng Rain or Shine.