MANILA, Philippines — Nabigo ang Gilas Pilipinas na maulit ang kanilang naunang panalo laban sa Congo.
Binalikan ng mga Congolese ang Nationals, 82-71 kahapon sa pagsisimula ng four-team Torneo de Malaga sa Spain.
Tinalo ng Gilas Pilipinas ang Congo, 102-80 sa kanilang unang pagkikita sa isang tune-up game sa Guadalajara noong nakaraang Martes.
Ipinoste ng Nationals ang 29-20 sa second period bago kinapos sa fourth quarter kung saan nagpaulan ng mga three-point shots ang Congolese para kunin ang 15-point lead, 76-61.
“We lacked the height and the length to compete against Congo,” ani deputy coach Ryan Gregorio.
Umiskor si rookie guard Robert Bolick ng 21 points mula sa magandang 7-of-9 fieldgoal shooting habang humakot si naturalized player Andray Blatche ng 15 markers, 8 rebounds, 5 assists at 3 steals ngunit nalimitahan sa dalawang puntos sa second half.
Dahil sa panalo ay aabante ang Congo sa finals ng four-team mini pocket tournament kontra sa host Spain na nagpatumba sa Ivory Coast, 79-62.
Ang Spain ay pinamunuan nina NBA veterans Marc Gasol at Ricky Rubio katuwang ang magkapatid na sina Willy at Juancho Hernangomez.
Ang kabiguan naman ang nagtakda sa pagharap ng Gilas Pilipinas kontra sa Ivory Coast para sa third place trophy.