Davao, Imus at GenSan wagi sa MPBL

MANILA, Philippines — Sumandal ang Davao Occidental Tigers nina Mark Yee at James Forrester para pataubin ang Bacolod Sardines, 85-74, habang nagwagi naman ang Imus Ban­dera kontra sa sa Soccsksargen Marlins, 82-70, sa 2019 Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL) Lakandula Cup noong Sabado ng gabi sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.

Nagtala si Yee ng 16 points, 15 rebounds, 3 assists, 2 steals at 3 blocks at si Forrester ay umiskor din ng 16 mar­kers para masungkit ang pang-limang panalo ng Ti­gers at makisosyo sa liderato kasama ang Bacoor Strikers sa parehong 5-1 kartada sa Southern Division.

Tumipa naman sina Jayjay Helterbrand at Chad Alonzo ng pinagsamang 29 points, 13 rebounds at 8 assists para itakas ang ikalawang panalo ng Bandera at umangat sa 2-3 kartada.

Ang Marlins ay nanatili sa ilalim sa 0-3 baraha.

Samantala, nakaeskapo ang General Santos Warriors laban sa Iloilo United Royals, 69-64, para manatili sa pang-apat na puwesto kasama ang Bicol Volcanoes sa parehong 5-2 marka sa Southern Division.

Naglista si Rob Celiz ng 15 points at 15 boards at 3 assists para sa panalo ng Warriors, samantalang nagposte naman si John Orbeta ng 13 markers, 10 rebounds at 4 steals.

Show comments