SEMARANG, Indonesia -- Sasalang ngayong araw ang tatlong Swimming Pinas tankers na tangkang masungkit ang unang gintong medalya sa pagsisimula ng 11th Asean School Games swimming competition dito.
Unang sasabak si Philippine national junior record holder Micaela Jasmine Mojdeh ng Brent International School na masisilayan sa girls’ 50m butterfly, habang bahagi rin siya ng girls’ 4x100m freestyle relay.
Sasabak naman sa aksyon sina John Neil Paredes at Jules Mervien Mirandilla sa boys’ 50m butterfly sa unang araw ng kompetisyon.
Idaraos ang preliminary round sa umaga kung saan ang Top 8 swimmers sa bawat event ang uusad sa finals na gaganapin naman sa hapon.
Optimistiko si Swimming Pinas team manager Joan Mojdeh sa magiging kampanya ng mga Pinoy tankers.
“Mas matatanda at mas matatangkad ang mga makakalaban ng swimmers natin kaya it’s going to be tough to win a medal here. But we are optimistic. Our swimmers trained hard for this and we are hoping for the best,” wika ni Mojdeh.
Lalaruin sa Day 2 ang 800m freestyle, 200m Individual Medley, 200m butterfly, 100m freestyle, 50m backstroke at 4x100m medley relay.
Sa Day 3 ay aarangkada ang 400m Individual Medley, 100m butterfly, 200m freestyle, 50m breaststroke at 4x100m medley relay, habang sa huling araw ng laban masisilayan ang 1,500m freestyle, 200m backstroke, 100m breaststroke, 50m freestyle at 4x200m freestyle relay.