Pacquiao tuloy na ang laban kay Khan sa Nobyembre?
MANILA, Philippines — Kinumpirma ni reigning World Boxing Council welterweight champion Amir Khan na kasado na ang laban niya kay Manny Pacquiao sa Nobyembre sa Saudi Arabia.
Pormal nang inihayag ni Khan na nalagdaan na niya ang kontrata para makaharap ang reigning World Boxing Association regular welterweight champion na si Pacquiao.
Base sa kontrata, sa Nobyembre 8 ang laban, ayon sa British boxer.
“Signed off and done, to get Manny Pacquiao is amazing,” ani Khan sa British radio station TalkSport.
Ngunit nakasentro pa ang atensyon ni Pacquiao sa unification bout laban kay WBA super welterweight titlist Keith Thurman sa Linggo sa MGM Grand Garden Arena sa Las Vegas, Nevada.
Wala pang sagot si Pacquiao dahil nais niyang pagtuunan ng pansin ang Thurman fight.
Nauna nang inihayag ni Pacquiao na wala pa sa isip niya ang pagreretiro dahil itinuturing na niyang bahagi ng kanyang buhay at dugo ang salitang boksing.
“I just want to maintain my name in the top of boxing and continue my career. I already accomplished what I want to accomplish in boxing. I’m continuing my career because boxing is my passion,” ani Pacquiao.
Sa kabilang banda, hindi ito ang unang pagkakataon na masisilayan sa aksyon si Khan sa Saudi Arabia.
Noong nakaraang linggo ay matagumpay na nakopo ni Khan ang bakanteng WBC welterweight crown matapos itarak ang fourth-round knockout win kay Australian Billy Dib sa King Abdullah Sports City sa Jeddah.
"To have him sign that dotted line is brilliant. No matter how he does against Thurman I still think it's a big fight,” ani Khan.
Hindi na bago ang pangalan ni Khan sa Team Pacquiao dahil makailang ulit na itong naging sparring partner ng Pinoy champion sa kanyang mga nakalipas na laban.
Bukas na bukas ang komunikasyon ng dalawang kampo kaya’t hindi malayo ang posibilidad na matuloy ito.
Isang opisyal na anunsyo mula sa Team Pacquiao na lamang ang kailangan para mamarkahan ang panibagong labang haharapin ng tinaguriang Pambansang Kamao.
- Latest