MANILA, Philippines — Nasungkit ni Zoren James Aranas ang kampeonato sa 2019 Beasley Custom Cues 9-Ball Open na ginanap sa Brass Tap and Billiards sa Raleigh, North Carolina.
Naitakas ni Aranas ang pahirapang 13-10 panalo kontra kay American cue master Skyler Woodward sa gold-medal match upang maibulsa ang $5,200 premyo.
Hindi naman uuwing luhaan si Woodward na nagkamit ng $3,250 konsolasyon.
Mainit ang ratsada ni Aranas matapos magtala ng sunud-sunod na panalo kung saan iginupo nito ang kababayang si Dennis Orcollo sa first round (9-8) kasunod ang pamamayagpag kina David Tickle ng Amerika sa second round (9-4), Dmitris Loukatos ng Greece sa third round (9-0), Brad Shearer ng Amerika sa fourth round (9-7) at dating world champion Francisco “Django” Bustamante sa fifth round (9-4).
Ngunit napigil ang matikas na kamada ni Aranas nang yumuko ito kay Woodward sa sixth round sa iskor na 4-9 para mahulog sa losers’ bracket ng torneong nagpatupad ng double-elimination format.
Sa losers’ bracket, muling tinalo ni Aranas si Bustamante (7-4) para maisaayos ang rematch kay Woodward sa championship game.
Nagtapos naman sa ikatlong puwesto si Bustamante para makasiguro ng $2,050 premyo habang ikapito naman si Roberto Gomez ($525) at ikasiyam naman si Orcollo ($315) para makatanggap din ng kani-kanilang konsolasyon.