Pinoy jins dinomina ang 14TH ASEAN Championships
Sumipa ng 73 medalya
MANILA, Philippines — Pitong Pinoy jins ang nagwagi sa senior Kyorugi (free sparring) competition para tulungan ang Team Philippines na makuha ang overall championship ng 14th ASEAN Taekwondo Championships sa SM Mall of Asia Music Hall sa Pasay City.
Ang pito sa kabuuang 27 gold medals na nasikwat ng koponan sa two-day international event ay nagmula kina Kirstie Elaine Alora, Abigail Faye Valdez, Reign Charm Ragutana, Israel Cesar Cantos, Noel Sabillano, Kurt Pasjuelas at Gabriel Teruel.
Noong 13th ASEAN Championships na idinaos sa Perlis, Malaysia noong 2017 ay nakapag-uwi lamang ang mga Pinoy jins ng 5 golds, 7 silvers at 4 bronzes.
Maliban sa 27 ginto ay kumuha rin ang national team ng 26 pilak at 20 tansong medalya para sapawan ang karibal na Vietnam, tumapos na may 61 medals (19 gold, 14 silver at 28 bronze).
Pumangatlo naman ang Malaysia sa nakolektang 16 medals kasunod ang Myanmar (11), Singapore (4) at Cambodia (4).
- Latest