Beermen tumabla

Humataw ang nagde­depensang San Miguel sa third canto patungo sa 108-101 pagpapatumba sa Magnolia sa Game Two para itabla sa 1-1 ang 2019 PBA Philippine Cup Finals kagabi sa Smart Araneta Coliseum.
Joey Mendoza

MANILA, Philippines — Kagaya ng dapat asahan, kaagad bumangon ang mga Beermen mula sa kabiguan sa Game One.

Humataw ang nagde­depensang San Miguel sa third canto patungo sa 108-101 pagpapatumba sa Magnolia sa Game Two para itabla sa 1-1 ang 2019 PBA Philippine Cup Finals kagabi sa Smart Araneta Coliseum.

Nakabangon ang Beermen mula sa naunang 94-99 pagkatalo sa Game One sa kanilang best-of-seven championship series ng Hotshots.

Matapos ang dalawang free throws ni Mark Barroca na nagbigay sa Magnolia ng 36-31 abante sa 7:41 minuto ng second period, naghulog naman ang San Miguel ng 20-5 bomba para iposte ang 10-point lead, 51-41 sa halftime.

Itinala ng Beermen ang 59-45 bentahe sa pagbubukas ng third period na naputol ng Hotshots sa 53-59 sa pamumuno nina Ian Sangalang at Paul Lee.

Ngunit kumamada ang San Miguel ng 15-2 atake tampok ang dalawang sunod na three-point shots ni Alex Cabagnot at 3-point play ni Christian Standhardinger para ilista ang 20-point advantage, 81-61 sa huling 1:28 minuto ng nasabing yugto na hindi na nilingon pa ng Beermen.

Samantala, ibang uniporme na ang isusuot ni one-time PBA Best Import Denzel Bowles sa kanyang pag­lalaro sa darating na 2019 PBA  Commissioner’s Cup.

Hinugot ng Rain or Shine si Bowles, ang 2012 Best Import at tuluyan nang ibinasura ang pagkunsidera kay Reggie Johnson para sa kanilang kampanya sa second conference na magbubukas sa Mayo 19.  

Show comments