Blazers rumesbak sa Nuggets

DENVER — Tumipa si CJ McCollum ng 20 points para tulungan ang Portland Trail Blazers na balikan ang Nuggets, 97-90 sa Game Two para itabla ang kanilang playoff series sa 1-1.

Itinala ng Portland ang 15-point lead sa halftime, 17 sa third quarter at 14 sa pagsisimula ng fourth period hanggang makalapit ang Denver sa 90-95 sa huling minuto ng labanan.

Nagsalpak si Rodney Hood ng free throws sa nalalabing 17 segundo para selyuhan ang panalo ng Trail Blazers, nakahugot kay Damian Lillard ng 14 points mula sa kanyang 5-of-17 fieldgoal shooting at 1-of-7 clip sa three-point range.

Dahil sa panalo ay naagaw ng Portland ang home-court advantage kung saan pamamahalaan nila ang Game Three sa Biyernes.

Humakot si center Nikola Jokic ng 16 points at 14 boards para sa Denver matapos kumabig ng 37 markers sa kanilang panalo sa Game One.

Kinuha ng Trail Bla­zers ang 50-35 abante sa halftime para ibaon ang Nuggets hanggang sa fourth period.

Nag-ambag si Al-Farouq  Aminu ng 11 points at 10 rebounds para sa Portland habang may 10 markers si Zach Collins.

Umiskor naman si Jamal Murray ng 15 points sa panig ng Denver, nakakuha ng 14 points at 11 rebounds mula kay Paul Millsap kasunod ang 13 at 12 points nina Malik Beasley at Gary Harris, ayon sa pagkakasunod.

Show comments