Laro sa Martes (The Arena)
4pm PLDT vs Generika
6pm Cignal vs UVC
MANILA, Philippines — Hindi maawat ang nagdedepensang Petron makaraang patalsikin nito ang Sta. Lucia Realty sa bendisyon ng 25-17, 25-11, 25-18 demolisyon para hablutin ang unang tiket sa Final Four ng 2019 Philippine Superliga Grand Prix kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Patuloy ang mabangis na laro nina American reinforcements Katherine Bell at Stephanie Niemer nang banderahan ng dalawa ang atake at depensa ng Blaze Spikers na sumulong sa impresibong 15-0 rekord.
Kumana si Bell ng 19 puntos habang nagpako si Niemer ng 16 puntos galing sa 14 attacks, isang block at isang ace sa larong tumagal lamang ng isang oras at anim na minuto.
“A win is a win and we like winning so it’s good, I don’t think it was our cleanest match but we will take it. We got some stuff to work on to improve from this match. Our passing struggled a little bit, we’re more crisped that that normally,” ani Niemer.
Inilabas ng Blaze Spikers ang bangis nito sa attack line matapos maglista ng 46 kills laban sa 20 lamang ng Lady Realtors.
Mas marami rin ang aces ng Petron - anim - kumpara sa tatlo lamang ng Sta. Lucia. Parehong may limang blocks ang Blaze Spikers at Lady Realtors.
Tanging si American wing spiker Caset Schoenlein lamang ang nagsumite ng double digits para sa Lady Realtors matapos makapaglista ng 11 hits mula sa siyam na attacks at dalawang blocks.
Makakasagupa ng Petron ang magwawagi sa pagitan ng Cignal at United Volleyball Club na magtutuos sa hiwalay na quarterfinal game sa Martes.