Celtics tinunaw ang triple-double ni James
LOS ANGELES -- Kumolekta si guard Kyrie Irving ng 30 points, 7 rebounds at 7 assists at nagdagdag si Marcus Smart ng 16 markers para pangunahan ang bisitang Boston Celtics sa 120-107 paggiba sa Lakers.
Naglista si Marcus Morris ng 16 points at 7 rebounds habang tumipa si Gordon Hayward ng 15 markers para sa ikatlong sunod na ratsada ng Celtics sa kanilang four-game California trip na magtatapos sa pagsagupa sa Clippers bukas.
Ipinoste naman ni LeBron James ang kanyang ika-80 career triple-double sa panig ng Lakers na hindi nakuha ang serbisyo ng tatlo nilang injured starters.
Tumapos si James na may 30 points, 12 assists at 10 rebounds sa kanyang pang-pitong triple-double para sa Lakers, naipatalo ang limang sunod na laro at malabo nang makapasok sa playoffs.
Hindi naglaro para sa Lakers sina injured starters Brandon Ingram, Lonzo Ball at Kyle Kuzma.
Sa Milwaukee, humakot si Giannis Antetokounmpo ng 26 points, 13 rebounds at 6 assists at tinalo ng Bucks ang Charlotte Hornets, 131-114 para sa kanilang NBA-best 50th victory.
Nag-ambag si Brook Lopez ng 25 points at 8 rebounds para sa 50-16 record ng Milwaukee matapos magposte ng 52-30 karta noong 2000-01 season papasok sa Eastern Conference finals.
Sa Minneapolis, nagsumite si Karl-Anthony Towns ng 40 points at 16 rebounds at hindi natapos ang regulation bunga ng knee injury.
Sa kabila nito ay tinalo pa rin ng Timberwolves ang Washington Wizards, 135-130 sa overtime.
Umiskor si Derrick Rose ng 29 points, kasama ang isang 19-footer na nagbigay sa Timberwolves ng 131-127 abante sa huling 58.2 segundo ng extra period.
- Latest