SMB-Alab hiniya ang Black Bears
MANILA, Philippines — Matamis na rumesbak ang San Miguel Alab Pilipinas nang itarak nito ang 101-96 panalo sa Macau Black Bears sa Asean Basketball League (ABL) Season 9 Biyernes ng gabi sa The Arena sa San Juan City.
Napatatag ng Beermen ang kapit sa solong pamumuno taglay ang 18-4 baraha kung saan bumandera si Puerto Rican import PJ Ramos na humataw ng double-double na 29 points at 13 rebounds.
Nagrehistro naman si Renaldo Balkman ng sariling double-double na 26 points at 11 rebounds kasama ang walong assists, isang steal at isang block habang umariba si two-time MVP Bobby Ray Parks Jr. ng impresibong 22 puntos, limang boards at limang assists.
Nag-ambag si Lawrence Domingo ng 11 markers, limang rebounds at dalawang assists.
Nakabawi ang Alab Pilipinas sa 103-116 kabiguang tinamo nito sa Macau Black Bears may dalawang linggo na ang nakalilipas.
Hindi napakinabangan ang 50 puntos na naitala ni Fil-Am guard Mikh McKinney tampok ang pitong three-pointers kasama ang siyam na rebounds at pitong assists para sa Macau.
Bumagsak ang Black Bears sa 12-10 baraha para mahulog sa No. 4 spot kasama ang Saigon Heat. .
Nagawang makuha ng Black Bears ang 57-46 kalamangan matapos ibaon ni McKinney ang tres sa first half.
Subalit agad na sumagot ang Beermen nang ibato ni Parks ang dalawang tres para buhatin ang Alab sa 16-4 run at kubrahin ang 78-76 lead sa pagpasok ng huling kanto tungo sa kanilang panalo.
- Latest