MANILA, Philippines — Itinarak ni Vic Saludar ang unanimous decision win laban kay Japanese challenger Masataka Taniguchi upang matagumpay na maipagtanggol ang kanyang World Boxing Organization (WBO) minimumweight belt Martes ng gabi sa Korakuen Hall sa Tokyo, Japan.
Naging armas ni Saludar ang matatalim na straight at counter upang dominahin ang kanyang Japanese foe at makuha ang boto ng mga hurado.
“We just did what we’re doing in training. We studied our opponent very well. I saw that he’s hurt as he tried to come closer that’s why I took the opportunity,” ani Saludar na bronze medallist sa 2010 Asian Games sa Guangzhou, China.
Nakuha ng 28-anyos South Cotabato pride ang boto nina Puerto Rican Luis Ruiz (118-110), American Chris Tellez (117-111) at Thai Surat Soikrachang (117-111) upang mapaganda ang kanyang rekord sa 19-3 tampok ang 10 knockouts.
Bagsak si Taniguchi sa 11-3 (7 KOs) marka.
Ito ang unang pagdepensa ni Saludar sa titulo sapul nang hubaran nito ng korona si Japanese Ryuya Yamanaka (via unanimous decision) noong Hulyo 13 sa Kobe, Japan.