INDIANAPOLIS -- Umiskor si guard Bojan Bogdanovic ng 24 points at pinantayan ng Indiana Pacers ang NBA franchise record sa pagsasalpak ng 19 three-pointers sa kanilang 136-94 pagdurog sa Los Angeles Lakers.
Ipinalasap ng Pacers ang pinakamasamang kabiguan ni Lakers star LeBron James sa kanyang career.
Nauna nang natalo ng dalawang beses ang tropa ni James ng 36 points.
Nagdagdag si Myles Turner ng 22 points at naglista si Thaddeus Young ng 12 points, 11 rebounds at 8 assists para sa ikatlong sunod na ratsada ng Indiana.
Tumapos naman si James na may 18 points, 9 rebounds at 7 assists para sa Los Angeles sa ikalawa niyang laro matapos magkaroon ng groin injury sa Christmas Day.
Hindi siya naglaro sa fourth quarter para sa Lakers, nakahugot kay center JaVale McGee ng 16 points.
Sa Charlotte, tumipa si Tobias Harris ng 34 points, kasama ang running jumper sa huling 4.3 segundo para tulungan ang Los Angeles Clippers na makabangon mula sa 20-point deficit sa 117-115 paglusot laban sa Hornets, 117-115.
Ang kapos na 3-point attempt ni Marvin Williams sa pagtunog ng final buzzer ang tuluyan nang nagpaguho sa tsansa ng Charlotte.
Nag-ambag si Lou Williams ng 31 points para sa Clippers.
Humataw naman si Kemba Walker ng 32 points para sa Hornets.
Sa Cleveland, naglaglag si Jayson Tatum ng 25 points habang may 18 markers si Gordon Hayward sa 103-96 paggupo ng Boston Celtics kontra sa Cavaliers.
Ito ang pang-limang sunod na arangkada ng Celtics sa kabila ng hindi paglalaro ni All-Star guard Kyrie Irving.
Si Irving ay may strained left hip at nabigong labanan ang dati niyang koponan.