Laro Ngayon(Cuneta Astrodome)
4:30 p.m. TNT Katropa vs Meralco
7 p.m. Rain or Shine vs Blackwater
MANILA, Philippines — Puntirya ng Rain or Shine ang kanilang pangatlong sunod na panalo para sumosyo sa liderato habang hangad din ng TNT Katropa ang ikatlong dikit na ratsada.
Lalabanan ng Elasto Painters ang Blackwater Elite ngayong alas-7 ng gabi matapos ang upakan ng Tropang Texters at Meralco Bolts sa alas-4:30 ng hapon sa 2019 PBA Philippine Cup sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
Umiskor ang Rain or Shine ng 96-87 panalo laban sa NLEX bago tinakasan ang Barangay Ginebra, 83-80 para ilista ang 2-0 record sa ilalim ng Phoenix (3-0) kasunod ang NorthPort (2-1).
Yumukod naman ang Blackwater sa NorthPort, 91-117 at laban sa Meralco, 94-99 para sa 0-2 panimula sa torneo.
Muling aasahan ng Elasto Painters sina two-time PBA MVP James Yap, Beau Belga, Gabe Norwood, Maverick Ahanmisi, Norbert Torres at rookie Jayvee Mocon habang muling itatampok ng Elite sina rookies Paul Desiderio at Abu Tratter.
“Kung ano ang nasa lineup namin, we'll make do with that,” sabi ni Blackwater coach Bong Ramos, hinihintay ang paglalaro ni No. 2 overall pick Bobby Ray Parks Jr.
Sa unang laro, target ng TNT Katropa ang kanilang ikatlong sunod na arangkada sa pagharap sa Meralco.
Matapos ang 0-2 panimula ay dalawang sunod na panalo ang itinala ng Tropang Texters nina coach Bong Ravena at active consultant Mark Dickel, ang huli ay nang talunin ang nagdedepensang San Miguel Beermen, 104-93, noong Linggo.
“We just have to be ready for Meralco,” sabi ni Ravena sa pagsagupa ng kanyang TNT Katropa kontra sa Meralco. “For sure they're gonna come out strong.”