Semis cast sinelyuhan ng Lady Altas

MANILA, Philippines – Matikas na pinabagsak ng University of Perpetual Help System Dalta ang Jose Rizal University, 25-13, 19-25, 25-21, 25-14 para hablutin ang huling silya sa semis ng NCAA Season 94 women’s volleyball tournament kahapon sa The Arena sa San Juan City.

Tinuldukan ng Lady Altas ang eliminasyon hawak ang 6-3 marka habang namaalam sa kontensiyon ang Lady Bombers tangan ang 5-4 kartada.

Bumandera para sa Perpetual Help ang apat na manlalarong nagtala ng double digits sa pa­ngunguna ni Cindy Imbo na nagpakawala ng 18 hits mula sa 14 attacks at apat na aces kasama pa ang 22 digs at siyam na receptions.

Hindi rin nagpaawat si skipper Bianca Tripoli na umiskor ng 14 mar­kers gayundin sina Shyra U­mabndal at Jhona Rosal na parehong may 13 puntos na ibinigay para sa Perpetual Help.

Aariba ang No. 4 Perpetual Help sa crossover semis laban sa top seed College of Saint Benilde habang magtutuos naman sa hiwalay na semis game ang second seed Arellano University at No. 3 San Beda University.

Parehong may twice-to-beat card ang Lady Blazers at Lady Chiefs.

Magsisimula ang semis sa Martes sa parehong venue.

Triple naman ang selebrasyon ng Perpetual Help matapos parehong ma-sweep ng men’s team at juniors ang eliminasyon para masiguro ang outright spot sa finals.

Iginupo ng Altas ang Heavy Bombers, 25-21, 25-21, 25-13 samantalang nanaig ang Junior Altas sa Light Bombers, 25-13, 25-17, 25-11.

 

Show comments