Nagbunga ng 3 MVPs
MANILA, Philippines — Naging matagumpay para sa basketball program ng University of Perpetual Help Altas ang taong 2018.
Ipinagmamalaki ng Altas ang pagkakaroon ng tatlong Most Valuable Player sa taong ito sa pangunguna ni dating player Bright Akhuetie na naging kauna-unahang foreign player ng University of the Philippines na binigyan ng MVP award sa Season 81 ng UAAP.
“We congratulate our former Perpetual student and athlete Bright Ahkuetie for his accomplishments,” ani NCAA policy board chairman at UPHSD President Anthony Moran-Tamayo.
Ang ikalawang MVP ng Altas ay ang 6’11 center na si Prince Eze, ang MVP ng 94th Season ng NCAA.
Tinalo ng Nigerian na si Eze sina Bong Quinto ng Letran at San Beda teammates Robert Bolick, Javee Mocon at Cameroonian Donald Tankoua.
Sina Quinto, Mocon at Bolick ay umakyat na sa professional league pagkatapos ng kanilang career sa NCAA.
Si Scottie Thompson naman na tubong Padada, Davao del Sur ay naging Finals MVP sa nakaraang 2018 PBA Commissioner’s Cup matapos igupo ng Barangay Ginebra Kings ang San Miguel Beermen sa best-of-seven Finals.
Naging MVP din ang 6’1 guard na si Thompson sa NCAA noong Season 90 nang siya ay naglalaro pa sa UPHSD Altas.
Ang Altas ay pumasok rin sa Final Four sa NCAA Season 94 kahit isang taon pa lamang na hinawakan ni coach Frankie Lim.