MANILA, Philippines — Nagwagi ang Zamboanga Valientes laban sa Bulacan Kuyas, 75-72 habang itinakas din ng Caloocan Supremos ang 90-87 panalo kontra sa Valenzuela Classics sa pagpapatuloy ng 2018 Maharlika Pilipinas Basketball Datu Cup noong Sabado sa Bulacan Capitol Gymnasium.
Umani si Robin Rono ng 24 puntos, tatlong rebounds at anim na assists para itala ang pang-pitong panalo ng Valientes sa 17 na laro at ibagsak ang Bulacan sa 11-7 win-loss kartada sa Northern Division.
Bukod sa bagong recruit na si Rono, tumulong din ng 14 puntos si Von Lanete na may kasamang apat na rebounds at limang assists habang si Harold Arboleda ay tumapos ng walong puntos, siyam na rebounds at apat na assists at tig-walong puntos bawat isa sina Allan Santos at Nico Javier para sa Zamboanga.
Sa iba pang laro, nagsanib puwersa sina Almond Vosotros at Paul Sanga para masungkit ang ika-anim na panalo sa 18 laro ng Caloocan at ihulog ang Valenzuela Classics sa 7-11 record sa Northern group.
Umiskor si Vosotros ng 33 puntos at humablot pa ng anim na rebounds, walong assists at apat na steals habang si Sanga ay umani rin ng 21 puntos, limang rebounds at dalawang steals para sa malaking panalo ng Caloocan.
Tumulong din ng sampung puntos, anim na rebounds at isang steal si Rene Pacquiao para buhayin ang pag-asa ng Supremos na makapasok sa susunod na round.
Samantala, magpapahinga muna ang MPBL para bigyan daan ang selebrasyon ng Christmas season at babalik ang aksyon sa Enero 3.