Lady Altas solo sa No. 5

MANILA, Philippines — Mabilis na pinabagsak ng University of Perpetual Help System Dalta ang Colegio de San Juan de Letran, 25-9, 25-13, 25-12 upang masolo ang No. 5 spot sa NCAA Season 94 women’s volleyball tournament kahapon sa The Arena sa San Juan City.

Walang sinayang na sandali ang Lady Altas nang pamunuan nina Maria Bianca Tripoli at Jen Ga­viola ang atake para kubrahin ang ikatlong panalo sa limang laro.

Parehong nagtala sina Tripoli at Gaviola ng 10 puntos habang nagdagdag naman sina Cindy Imbo at Jowie Versoza ng tig-walong puntos sa larong tumagal lamang ng halos isang oras.

Walang manlalaro ng Lady Knights ang nakakuha ng double digits kung saan tanging anim na puntos ang naitala ni Jhay Parin--ang top performer ng tropa.

Lumasap ang Letran ng ikaapat na kabiguan laban sa nag-iisang panalo.

Dominante ang Perpetual Help na nagpako ng 44-19 edge sa attacks at 5-1 lead sa aces.

Sa unang laro, ginapi ng San Sebastian College-Recoletos ang Emilio Aguinaldo College, 25-19, 25-20, 26-24 para okupahan ang solong ikatlong puwesto bitbit ang 4-1 marka.  

Show comments