Aces tumabla
MANILA, Philippines — Napigilan ng Alaska ang paghahabol ng Magnolia sa fourth quarter tungo sa 90-76 panalo upang maitabla ang best-of-seven championship series ng Philippine Basketball Association (PBA) Governors’ Cup kagabi sa Smart Araneta Coliseum.
Mainit ang palad ni Mike Harris nang magpasabog ito ng halimaw na 34 puntos, 22 rebounds, tatlong assists at tatlong blocks para muling buhayin ang tsansa ng Aces.
“We know that it’s going to be a dogfight with these guys (Magnolia) every single game. They are in the finals for a reason, they’re one of the best teams in the league. They fought and play tonight but they missed a few shots and we were able to grab a couple of rebounds. We really executed at the end,” ani Harris.
Nakakuha si Harris ng suporta mula kay Chris Banchero na nagtala ng 17 markers, anim na rebounds at limang assists gayundin kina Jake Pascual at Kevin Racal na may pinagsamang 17 puntos para sa Alaska.
Nanguna naman sa hanay ng Hotshots si Romeo Travis na naglista ng 29 points at 13 boards habang naglista si Paul Lee ng 14 points, walong rebounds at dalawang assists.
Tabla sa 2-2 ang series kung saan nakauna ang Hotshots nang kunin nito ang 2-0 kalamangan sa serye bunsod ng 100-84 panalo sa Game 1 noong Disyembre 5 kasunod ang 77-71 pananaig sa Game 2 noong Disyembre 7 bago nakabalik sa porma ang Aces matapos itarak ang impresibong 100-71 panalo sa Game 3 noong Disyembre 9 at makuha ang Game 4.
Samantala, itinanghal na Best Player of the Conference si Lee matapos makalikom ng 1,013 puntos. Nakakuha ito ng 424 puntos mula sa media votes, 150 mula sa PBA at 71 mula sa mga players kasama pa ang 368 nito sa statistics.
Naungusan ni Lee sina Banchero (753), Christian Standhardinger ng San Miguel Beer (659), Stanley Pringle ng NorthPort (520) at Japeth Aguilar ng Barangay Ginebra (398).
Napasakamay naman ni Harris ng Alaska ang Best Import of the Conference bunsod ng nakuha nitong 1,209 puntos laban kina Travis (914), Justin Brownlee (679) at Allen Durham (541).
Samantala, tanging si forward RR de Leon ng University of the East ang hindi nagpakita sa kabuuang 48 aplikante sa isinagawang 2018 PBA Gatorade Draft Combine kahapon sa Gatorade Hoops Center sa Shaw Blvd., Mandaluyong City.
Nagpakitang gilas ang mga top pick candidates na sina Bobby Ray Parks Jr., CJ Perez at Robert Bolick sa Day One ng Draft Combine na sinaksihan ng mga coaches ng 12 koponan.
Hindi sumalang si de Leon para sa anthropometry tests, kaya tuluyan na siyang nasibak para sa final draft list habang umagaw naman ng eksena ang ilang aspirante sa biometric tests.
- Latest