MANILA, Philippines — Matapos ang dalawang home game na idinaos sa Mall of Asia Arena sa Pasay City ay dadayo naman ang Team Pilipinas sa Qatar at Kazakhstan sa Pebrero ng susunod na taon para sa mga krusyal na laro sa 2019 FIBA World Cup Asian Qualifiers.
Lalabanan ng Nationals ang mga Qataris sa Doha sa Pebrero 21 bago muling harapin ang mga Kazakhs sa Pebrero 24 sa Kazakhstan.
Yumukod ang Team Pilipinas sa Kazakhstan, 88-92 noong Biyernes sa fifth window ng Asian Qualifiers na nagtampok sa 29 points ni point guard Stanley Pringle, ang hinirang ni coach Yeng Guiao bilang naturalized player.
Nakatakdang labanan kagabi ng Nationals ang bisitang mga Iranians para sa kanilang ikalawang home game.
Para mapalakas ang tsansa sa tiket sa 2019 FIBA World Cup na gagawin sa China ay kailangang maipanalo ng Team Pilipinas ang mga laban kontra sa Qatar at Kazakhstan dahil sa pagkakatabla ng Japan sa magkatulad nilang 5-4 record sa Group F.
Kung magtatapos sa magkaparehong kartada ang Nationals at Japanese ay gagamitin ang quotient system.
Dahil dito ay opisyal na masasambot ng Team Pilipinas ang World Cup berth bunga ng kanilang +11 mula sa 77-71 at 89-84 pagdaig sa Japan.
Haharapin ng Japan ang Iran sa Pebrero 21 at ang Qatar sa Pebrero 24 sa kanilang dalawang road games. May parehong 5-4 baraha ang Team Pilipinas at Japan sa ilalim ng Australia (9-1) at Iran (6-3) kasunod ang Kazakhstan (4-5) at Qatar (2-8) sa Group F.
Nangunguna ang New Zealand (9-1) sa Group E sa itaas ng Korea (8-2), Jordan (5-5), Lebanon (6-3), China (5-4) at Syria (2-8).
Ang Top Three teams mula sa Group F at E kasama ang best fourth-placed team ang maglalaro sa 2019 FIBA World Cup sa China.