FIVB sa POC: PVF kilalanin

MANILA, Philippines — Ang Philippine Volleyball Federation (PVF) ang bukod-tanging kinikilala ng International Volleyball Federation (FIVB) bilang opisyal na asosasyon ng volleyball sa bansa.

Ito ang iginiit ni PVP pre­sident Edgardo “Boy” Cantada matapos ang 36th World Congress ng FIVB sa Cancun, Mexico noong Nobyembre 24.

Ibinasura ng FIVB ang kahilingan ng Larong Volleyball sa Pilipinas Inc. na maging regular member ng international federation.

Bigo ang LVPI na alisin ang PVF bilang miyembro ng FIVB dahil hindi ito nakakuha ng two-third votes sa Congress na kinakaila­ngang boto para mapatanggal ang isang miyembro sa asosasyon.

May 109 lamang ang bumoto para alisin ang PVF habang 49 ang bumoto na manatili ito. May 28 na nag-abstain.

Kaya naman nakasalalay na lamang sa Philippine Olympic Committee (POC) ang huling hakbang upang kilalanin ang PVF bilang tanging national sports association sa volleyball sa Pilipinas.

“The ball is on the POC’s hand. Nagdesisyon na ang FIVB, dapat itong kilalanin ng POC kasabay ang pagkilos na bigyan kami ng karapatan na dingin ang aming isyu sa General Assembly. Kung magbotohan ang GA at kami ay pinatatalsik, magpapasalamat kami dahil dumaan kami sa proseso,” ani Cantada.

“The PVF has waited long enough, it is willing to be investigated by the POC and judged by its peers in the General Assembly. Let us all be gentlemen here, we owe PH sports a show of true fairness and justice,” dagdag nito.

Magugunitang binuwag ng POC ang PVF na hindi dumadaan sa General Assembly.

Gaya ng FIVB, kinaka­ilangan ng boto sa General Assembly kung patatalsikin o pananatilihin ang isang NSA.

Ipinalit ng POC sa PVF ang LVPI na kasalukuyang pinamumunuan ni Peter Cayco.

Show comments