Vera kampeon pa rin; Folayang nabawi ang titulo

MANILA, Philippines — Napanatili ni Fil-Ame­rican Brandon ‘The Truth’ Vera ang kanyang suot na heavyweight crown habang muli namang nabawi ni Pinoy pride Eduard ‘Landslide’ Folayang ang lightweight title.

Nagposte ng magka­ibang panalo sina Vera at Folayang sa “Conquest of Champions” ng ONE Championship sa Mall of Asia Arena sa Pasay City noong Biyernes ng gabi.

Pinabagsak ni Vera si Italian challenger Mauro ‘The Hammer’ Cerilli sa u­nang isang minuto at limang segundo sa first round para mapanatiling suot ang heavyweight crown.

Ayon kay Vera, matiyaga niyang pinag-aralan ang istilo ni Cerilli.

Isang matulis na counter left hook ang nailusot ni Vera para patumbahin si Cerilli.

“I’ve been watching Mauro’s tapes every night. Even as I sleep, I watch him train. I watch him fight. I watch everything he does. I know he swings hard,” ani Vera.

Tuluyan nang itinigil ni referee Olivier Coste ang pagrapido ng Fil-American sa Italian challenger.

 Muli namang napa­sakamay ni Folayang ang ONE lightweight title matapos kunin ang unanimous decision victory laban kay Amir Khan ng Singapore.

Naisuko ni Folayang ang kanyang lightweight belt kontra kay Martin Nguyen noong Nobyembre ng nakaraang taon sa parehong Pasay City venue.

Related video:

Show comments