KUALA LUMPUR - Naiposte ng Philippines Azkals ang kanilang ikalawang sunod na panalo sa 2018 AFF Suzuki Cup matapos takasan ang Timor Leste, 3-2, dito sa Kuala Lumpur Football Stadium.
Ang nasabing panalo ang nagtabla sa Azkals sa Thailand para sa liderato ng Group B.
Pinabagsak ng Thailand ang Indonesia, 4-2.
Sa pang-27 minuto ng first half ay isinalpak ni Phil Younghusband ang unang goal ng Azkals mula sa pasa ni Stephan Schrock.
Nakawala kay Timor Leste keeper Aderito Fernandes ang naturang bola sa kaliwang bahagi ng net.
Matapos ang anim na minuto ay umiskor naman si Martin Steuble buhat sa pasa ni Kevin Ingreso para sa 2-0 bentahe ng Pilipinas.
Lalo pang pinalobo ng Azkals ang kanilang kalamangan nang kumonekta si De Murga ng isang header sa pang-68 minuto header.
Nakabawi naman ang Timor Leste sa huling 20 minuto galing sa dalawang goals nina Nathaniel Reis at Joao Pedro Da Silva Freitas para sa kanilang 2-3 agwat.
Susunod na lalabanan ng Azkals ang Thailand sa Nobyembre 21 sa Panaad Stadium sa Bacolod City.