DALLAS -- Kumolekta si Luka Doncic ng 23 points at gumawa si Dennis Smith Jr. ng tatlong mahalagang plays sa dulo ng fourth quarter para pamunuan ang Mavericks sa 119-100 paggupo sa Washington Wizards.
Winakasan ng Dallas ang kanilang anim na sunod na kamalasan.
Ito ang pang-16 panalo ng Mavericks sa kanilang huling 17 pagtutuos ng Wizards.
Nagdagdag si Wesley Matthews ng 22 points, samantalang humakot si Harrison Barnes ng 19 points at 13 rebounds para sa Dallas.
Binanderahan ni John Wall ang Wizards mula sa kanyang 24 points kasunod ang tig-19 markers nina Otto Porter Jr. at Bradley Beal.
Nakabangon ang Washington mula sa 24-point deficit sa first half at 21-point disadvantage sa halftime matapos itulak ang 11 turnovers sa Dallas sa second half.
Sa Portland, humataw si guard CJ McCollum ng 40 points para akayin ang Trail Blazers sa 118-103 paggupo sa Milwaukee Bucks.
Nagsalpak si McCollum ng 17-for-26 fieldgoal shooting at nagdagdag ng 6 assists habang nag-ambag si Evan Turner ng 16 points at 11 rebounds mula sa bench para sa Blazers (8-3).
Sa Charlotte, nagposte si guard Kemba Walker ng 29 points at 7 assists para ihatid ang Hornets sa 113-102 panalo kontra sa Atlanta Hawks.
Umiskor si Marvin Williams ng 20 points para sa Charlotte (6-5) sa kanilang ikatlong tagumpay sa isang four-game homestand kasunod ang tig-13 markers nina Jeremy Lamb at Malik Monk at 10 points ni Nic Batum.
Pinangunahan ni Jeremy Lin ang Atlanta (3-7) mula sa kanyang 19 points.