Ateneo muling kinuha ang solong liderato
MANILA, Philippines — Sumandal ang Ateneo Blue Eagles sa matatag na depensa upang patumbahin ang University of the Philippines Fighting Maroons, 83-66, sa Season 81 UAAP men’s basketball tournament kahapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Nagtala si Thirdy Ravena ng 20 points, 10 rebounds, 1 assist at 2 steals para iangat muli ang Ateneo sa solo top spot sa 6-2 kartada at ibaon ang Fighting Maroons sa 3-5 marka.
Bukod kay Ravena ay nagdagdag din ng 12 points, 2 rebounds at 5 assists si Tyler Tio, habang may 10 markers si Raffy Verano.
Dalawang iba pang Blue Eagles sa pangunguna nina Angelo Kouame at Jolo Mendoza ang umiskor din ng tig-10 points.
Nasungkit naman ng University of Santo Tomas Growling Tigers ang ikatlong sunod na panalo matapos padapain ang Far Eastern University Tamaraws, 78-70, para umangat sa 4-4 kartada.
Matapos lumapit ang Tamaraws sa 55-54 ay agad umarangkada ang tropa ni coach Aldin Ayo ng 10-0 run upang lumayo sa 65-54 sa 3:55 minuto sa fourth period.
Nauna nang tinalo ng UST ang FEU, 76-74, sa first round noong Setyembre 12.
Umiskor si Zach Huang ng 20 points, 6 rebounds, 1 assist at 1 steal, habang si Marvin Lee ay tumapos ng 17 markers, 5 assists at 2 steals.
Nagposte naman ng 14 points, 2 rebounds at 2 assists mula kay Renzo Subido para sa España-based team.
Pinamunuan ni Richard Escoto ang Tamaraws mula sa kanyang 12 points kasunod ang 11 markers ni Arvin Tolentino.
- Latest