Knights pupuntiryahin ang final four ticket
MANILA, Philippines — Puntirya ng Colegio de San Juan de Letran na maipormalisa ang pag-entra sa Final Four sa pagharap sa San Sebastian College-Recoletos sa NCAA Season 94 men’s basketball tournament sa The Arena sa San Juan City.
Makakasagupa ng Knights ang Stags ngayong alas-2 ng hapon na susundan ng duwelo ng University of Perpetual Help System Dalta at Emilio Aguinaldo College sa alas-4.
Nakahirit ng playoff para sa semis spot ang Letran matapos gulantangin ang Lyceum of the Philippines, 80-79, noong Biyernes.
Ang panalo ang nagdala sa Knights sa 11-4 rekord para manatiling buhay ang pag-asa sa ‘twice-to-beat’ advantage sa Final Four.
Kailangan lang matalo ang nagdedepensang San Beda University (14-1) at Lyceum (14-2) sa kanilang mga susunod na laro para higit pang lumakas ang tsansa ng Letran sa semis incentive.
Aasahan ni Letran head coach Jeff Napa ang beteranong sina Bong Quinto at JP Calvo at si transferee big man Larry Muyang na kumayod nang husto sa kanilang huling laro.
Sibak na ang San Sebastian hawak ang 4-11 marka.
Ngunit inaasahang ibubuhos ng Stags ang lahat para mabigyan ng engrandeng pagtatapos ang kanilang kampanya.
Sa kabilang banda, target ng Perpetual Help na makahirit ng playoff para sa Final Four berth.
Nasa No. 4 spot ang Altas hawak ang 10-5 baraha
Galing ang bataan ni Perpetual Help mentor Frankie Lim sa 85-77 overtime win kontra sa San Sebastian noong Huwebes.
Kukuha ng lakas ang Altas kina Nigerian center Prince Eze, Edgar Charcos at AJ Coronel na pangunahing gumagawa ng puntos sa Las Piñas-based squad.
Kagaya ng San Sebastian, nais din ng Emilio Aguinaldo (4-12) na magkaroon ng magandang pagtatapos.
- Latest